29 June 2009

Dear Shirley

Dear Shirley,

Kumusta yung desisyon mo na mapaloob sa isang "intimate relationship"?

Simang

--------


Dear Simang,

Yung desisyon ko na magsama kami, sa ngayon siguro nasa stage rin na sweet-sweetan pa lang kayo. He takes care of you, I take care of him, ganoon. Pero may realidad din na struggle pa rin siya araw-araw eh. Pero it can be positive or negative, di ba? At saka yung realization na hindi forever yung inyong relasyon. At saka depende rin pala iyon hindi lang sa akin kundi sa kanya. Kasi kung hindi siya naging persistent din na maging together kami, hindi rin magwo-work. Kasi may mga times na parang ako yung mas nape-pressure kaysa sa kanya, na ako yung gustong makipaghiwalay.

Tapos, may economic aspect din pala iyan. Kasi kung nagkataon na wala siyang trabaho, parang magdadalawang-isip ako kung magsasama kami. Kasi syempre, ako, kare-resign ko lang noon, tapos naghahanap din ako ng work, tapos nabuntis ako. Kung dadagdag pa siya na wala siyang trabaho, syempre mapapaisip ka kung talagang magsasama kayo eh.

At saka mahalaga rin, hindi talaga ako sobrang focused sa relationship. Kasi name-maintain ko yung independence ko while in a relationship. Hindi lang iyon yung concern ko. Kung baga, marami pa ring aspeto ang buhay ko. Nagte-thesis ako, maganda yung work ko ngayon. Yung relationship ko at saka yung ako bilang ako, yung pagkatao ko, parang mas malawak pa rin yung ginagalawan ko kung baga. Parang aspeto lang siya, pero mahalaga pa rin sa akin.

Shirley

(March 10, 2009)

13 June 2009

Mama

Magtetrenta na ako, binebeybi nyo pa rin ako. Hayaan nyo na akong magdesisyon sa sarili ko. Matigas talaga ang ulo ko. Pero maniwala kayo, ayaw ko kayong saktan at masaktan. Syempre nasasaktan ako kapag nasasaktan ka.

Kaya ko nang tumayo sa sarili kong paa. Kelan ba kayo maniniwala? Kaya nga ayaw kong magtrabaho sa probinsya, hindi ako makadiskarte sa sarili ko. Pinagluluto, pinaghahain nyo ako ng pagkain, inaabutan ng inumin. Kulang na lang subuan nyo ako.

May sarili na akong pamilya. Maano ba namang maranasan ko rin na mahirapan at maghirap kung yun ang inaalala nyo? Saka pwede bang wag na kayong paapekto sa sinasabi ng ibang tao? Kayo lang ang nahihirapan nyan.

Kelan ba tayo magpapanagpo? Wag nyong sabihing wala akong pakialam sa inyo. Wag nyong sabihing hindi ko kayo nirerespeto. Mahal na mahal ko kayo hindi ko man maipadama nang buo.

Hindi ko pa pala nasasabi, sorry, patawad, pasensya na sa lahat ng pagkukulang ko. Darating din ang panahon, magkakaintindihan din tayo at sana matatanggap nyo na ang sitwasyon.

18 May 2009

Due date

Hay, nakakainip. Kain, tulog, nood ng tv, internet. Ngayong Biyernes na ang due date ko. Pag hindi pa humilab, iu-ultrasound na ako para tingnan yung posisyon at amniotic sac ng bata. Handa na yung mga dadalhin ko sa ospital e. Ay, red headband pa pala para katerno ng red socks ko, hehe.

Ang tigas pa ng ulo ko. Ang dami kong kumain, nakakailang bulos ako ng kanin. As in lamon. Diretso rin ang iced tea at malamig na tubig. Tamad pang maglakad. Tapos ang init init pa. Hindi umuubra ang aircon.

Lumabas na naman yung allergy ko. Sa hita na this time. Ang kati rin ng tiyan ko. Me stretch marks at cellulite na rin ako.

Nagbabasa-basa na ako online tungkol sa pag-aalaga sa baby. Naku, andaming kailangang matutunan. Maski yung pagbili ng gamit, cloth or disposable diaper? Glass or plastic feeding bottle? Nanny, medical insurance, savings, aargh! Contraceptive, hehe.

Ginawan ko na si Dylan ng Multiply account. Dylan, lumabas ka na please.

24 April 2009

Summer 2009

Huling araw ko ngayon sa opisina. Syempre, tinapos ko na ang mga dapat kong tapusin. Okay naman ang performance appraisal ko kanina.

Tumutuntong na ako sa 36 weeks. Kabado na nga ako. Masakit atang manganak. Sobrang likot ni Habagat. Umaalon-alon sa tiyan ko. Natatakot nga ako ayaw kong tingnan e. Syempre excited na rin kasi malapit nang lumabas.

Official name: Dylan Emmanuel. Last week ko lang naisip yung Dylan. Ayon sa aking pananaliksik, nagmula ito sa salitang Welsh na ibig sabihin ay son of the sea. Anak-dagat, hehe. Popular personalities with the name Dylan: Dylan Thomas and Bob Dylan. Syempre si Dylan Thomas yung sumulat nung tula na Do not go gentle into that night. Si Bob Dylan ay yung musikero. Aprub din ke Tay. Me Dylan din pala na bida sa Flame of Recca.

Emmanuel naman, sunod sa pangalan ni Tay. Pwede ring aktibista, si Emmanuel Lacaba. Saka yung biblical meaning nito. Pero sorry Tay, kahit ayaw mo, Habagat na talaga ang palayaw nya. Ahaha! Apelyido na lang ang pagdedesisyunan.

Another blessing: Tinawagan ako ni Ma'am Inday kahapon. Pumunta raw ako sa graduation kasi me best thesis award ako. Tambling! Hindi na nga sana ako magmamartsa kasi susunduin na ako sa linggo. E na-excite ako. Andito na ang Mama at si Tales. Bibili kami ng susuutin ko bukas.

Pagkatapos ng grad, home sweet home. Uuwi rin si Utol.

Andaming blessings. Salamat, salamat.

Samantala, pinawalang sala si Daniel Smith ng Court of Appeals kahapon. Nakakainis yung pagkakasulat ng desisyon. Ano ba? Jurassic pa rin ang pagtingin nyo sa mga babae. Saka wala e, me greater force at work, US-RP economic and military relations.

Sana matuto na tayo sa kasaysayan. Tuloy pa rin ang laban!

08 April 2009

Sa Wakas

Maraming salamat sa mga sumusunod :

Mama at Papa
Alvin
Eman
Sa aking mga pinsan at mga pamangkin
Sa aking mga kaibigan simula noong elementary (Eds Leido, Mayel Maliwanag, Majal Maliwanag)
Sa aking mga kaibigan simula noong college (Jan de Belen, Karen Azupardo, Twinkle Gotico at Brenda Maderazo)
Agui Bool
Sa aking mga kasamahan sa UP Manila Center for Gender and Women Studies (Sir Anthony Cordero, Kristine Cruz at Eden Monsales)
Sa aking mga kasamahan sa aking kasalukuyang trabaho sa PDAP (Icel Angeles, Ate Vicky Serrato, Macel Llamasarez, Arleen Aduna)
Sa mga kasapi sa aking thesis panel (Ma’am Inday Ofreneo, Ma’am Tim Castillo, Ma’am Judy Taguiwalo at Ma’am Titanne Barrameda)
Ma’am Cora Anonuevo
Sa aking mga naging kaklase sa WD (Li Daep at Tess Payongayong)
Sa aking mga kaibigan at kabatian sa city hall (Lowell Goco, Moss Simbahan, Judy Rose Colocar, Boots Cueto, Joanne Leynes, Hospi Laygo)
Sa kababaihang naging bahagi ng aking tesis (ang aking rock ‘n roll muses na sina Marianne Faithful, Bianca Jagger, Penny Lane, Joni Mitchell, Janis Joplin, Lucy, Layla, Linda McCartney, Cynthia Lennon) at ang mga babae sa buhay ni Ely Buendia (Toyang, Ligaya at Shirley; isama na rin sina Vicky at Diane)
AT KAY HABAGAT


ITO NA ANG HULING EL BIMBO.

dvd marathon: holy week edition

1. x-men origins: wolverine
2. wonder woman
3. kill bill vol. 1
4. rachel getting married
5. che part 2
6. cadillac records
7. jumper
8. step up 2
9. final fantasy
10. twilight

13 March 2009

The F Words: Freeman, Feminist, Family

Busy pa rin. Huling travel ko na yung sa Bora. Defense ko na sa Lunes. Tuloy pa rin sa paggawa ng year-end report.

Hindi na ako nakapunta sa Eheads concert. Dati, life-and-death situation yun para sa akin. Kahit nga P10,000 na tiket papatusin ko. Pero sabi nga sa artikulo ni Sir Roland, wag nang buhayin ang patay. Huling El Bimbo na. Pati si Freeman yumao na. Andaming symbolism ng aking first love, hehe.

Noong Martes, sumali ako sa isang talakayan tungkol sa "intimate relationships" at "family life". Ang iba pang kasali ay kapwa feminista. Sa unang tingin, ang pagpapakahulugan ko ng intimate ay yung may sekswal na relasyon. Sumasang-ayon din ako dun sa isa na usapin iyon ng "property". Ito rin ay may "mutuality" at "reciprocity". Hirit ko pa, potentially exploitative din ito dahil di ba nga ay merong nangyayaring karahasan sa loob ng isang "intimate relationship"? Sabi naman nung isa, hindi lang ito patungkol sa opposite sex o sa same sex na mayroon kang romantikong relasyon. Pwede rin ito sa mga kaibigan o kamag-anak.

Tungkol naman sa terminong pamilya, lahat ay suumasang-ayon na ang bumubuo ng pamilya ay hindi lamang nanay, tatay at mga anak. May pagkilala sa diversity ng pamilya. Mayroong kasal, mayroong nagsasama, mayroong couples na walang anak, mayroong same-sex couples (may ampon, me anak o wala). Gayunpaman, mayroon pa ring pressure sa lipunan na panatilihin ang tinatawag nilang tradisyunal na pamilya. Ito ay napapamalas sa eskwelahan. Pag tinanong ni teacher yung bata kung sinu-sino ang bumubuo ng pamilya, ang inaasahan nyang sagot ay nanay, tatay, ate, kuya (isama na rin ang aso). Hindi rin tinatanggap ang illegitimate children sa Catholic schools.

Naku, mahaba-habang paliwanagan ito ke Habagat.

Nasa huling trimester na ako ng pagbubuntis. Ang likot na nya lalo. Bumalik na naman ang pagiging antukin ko. Sa isang linggo, mamimili na kami ng gamit nya. Basta hindi blue ang kulay.

Wala pa kaming napagdedesisyunan na pangalan. Me mga nailista na naman ako.

Mayel in the house! Buo na naman ang Matronix.

13 February 2009

Zen

Pinag-iisipan ko pa kung saan ako manganganak. Twenty-five weeks and six days na ang tiyan ko.

Sa ngayon, hati ang atensyon ko sa trabaho at thesis. Mas marami kaming trabaho ngayon. Marso kasi ang tapos ng fiscal year namin. Maraming travel, maraming reports. Nag-eenjoy naman ako. Mababait ang officemates ko. Gusto ko ang ginagawa ko. Mas lumawak ang kaalaman ko. Natutunan ko ang logical framework analysis, performance capacity index, SPSS. At syempre, mas madalas ako sa field.

Sa Marso na ako magde-defend ng thesis. Final na! Ngayon ko lang uli nagalaw yung revisions. Okay na rin, mas lumalim at umigting ang analysis. Na-apply ko yung natutunan ko sa SPSS. Magko-content analysis na rin ako. Yung dati kasi, patsi patsi. Sa ngayon, work in progress pa rin.

Busy, busy ngayong Pebrero. Okay naman kami ni Tay. Okay rin yung nakuha naming apartment sa Morato. Nabuhay yung e-group namin nung high school. Nagkayayaan kasing mag-reunion ngayong taon.

Nakabili na ako ng DVD copies ng ilang Oscar nominees. Hindi ako pupunta sa Eheads concert. Me year-end planning kami sa Bora.

Andito pa rin ako sa Cagayan de Oro, cancelled ang flight namin papuntang Manila. Nakabili na ako ng pastel. May nagbigay sa akin ng chiga. Baka mamaya ay pumunta uli kami sa bilihan ng DVD sa Divisoria. Waah! Sana may byahe na bukas. Umuulan pa rin dito. Me dinner date pa kami ni Tay bukas, ehehe.

23 January 2009

The Obamas and Work-Family Balance

Baka sabihin nyo naman, puro personal na lang ang nilalagay ko sa blog na ito. Kahit pa sabihing "the personal is political", syempre me conscious effort pa rin naman sa parte ko na iugnay ang buhay ko sa ngalan ng national (global) interest hehe.

Sa pag-upo ni Barack Obama bilang pangulo ng Estados Unidos, hindi maiiwasan na pagtuunan din ng pansin ang kanyang personal na buhay. Ayon sa isang artikulo sa New York Times, isang matingkad na isyu sa kanila ang work-family balance lalo na at me mga batang anak sila. Sinundan nya si JFK na me mga batang anak din noong inokupa nito ang White House. Balita kung saan mag-aaral sina Sasha at Malia. Hindi na rin bago yung mga kamag-anak na kasamang titira sa White House. Doon daw titigil ang biyenan ni Obama. Pati ang pagpili nila ng alagang aso ay malaking isyu. At syempre, lahat ay nakatuon din ke Michelle, hindi lang dahil magaling syang manamit kundi kung ano ang magiging papel nya bilang First Lady kumpara sa mga nauna sa kanya.

Matatandaang nagbitiw sya sa trabaho upang ibuhos ang panahon sa pag-aaruga sa kanyang dalawang anak (mom-in-chief) at gampanan ang kanyang tungkulin bilang First Lady. May ibang kritiko na nagsasabi na dapat hindi na lang sya pumwesto sa backseat pabor sa kanyang asawa. Me sariling career din naman sya. Pero double-edged sword na naman. Pag naman pinagpatuloy nya ang kanyang career, sasabihan na walang pagpapahalaga sa pamilya.

Sa lifetime ng babae, pwede namang magkaroon ng mga shift depende sa sitwasyon. Choice nya yon. Choice nya kung gusto nyang maging "housewife". Dangan nga lang at may stigma pag sinabing housewife: walang ginagawa, sa bahay lang, umaasa na lang sa asawa. Kung tutuusin, parehong trabaho rin naman ang gawaing bahay at trabaho sa labas nito. Yun nga lang, walang katumbas na bayad ang gawaing bahay. Dahil dito, hindi ito napahahalagahan.

Choice din ng babae kung gusto nyang pumalaot sa paid work. Sa middle at upper classes, isyu ito ng independence, fulfillment, self worth. Sa lower classes, mas isyu ng survival. Mahirap ang buhay. Sa mag-asawa/magkapareha, dual-earning o magkatuwang sa paghahanapbuhay. Iba't iba nga depende sa sitwasyon at mga salik katulad ng edad, kasarian, nasyunalidad/etnisidad, uri.

Sa working mothers, mas burden ang sinasabing work-life balance. Bago pumasok sa trabaho, kailangan munang magluto at asikasuhin ang asawa at mga anak. Pag-uwi, ganun din. Kapag me nagkasakit, kapag me PTA meeting, sya ang kalimitang nag-iintindi. Lumiliban sya sa trabaho.

Antabayanan na lang kung ano pang mga aksyon ang gagawin ni Barack tungkol sa women's agenda pati na rin ng kanyang asawang si Michelle.

15 January 2009

Paradigm Building, SFDM

Malas ang pasok ng bagong taon. Tungkol pa naman sa frugality ang isa sa mga paksa ko sa unang blog post. Nanakawan ang apartment namin noong Miyerkules. Dinestrungka yung pinto. Tinangay ang laptop ko.

Pangalawa ko na yun sa building na yon. Nung una, nung sina Yel pa ang tenant. Madalas ako dun. Isang beses, naiwan akong mag-isa sa buong magdamag. Nanakawan ako ng isang libo at charger. Hindi pa kami sigurado kung nakaw nga kasi wala namang senyales ng forced entry. Pagkaraan ng dalawang linggo, sina Yel naman. Nakuhanan sila ng cellphone, Ipod, digicam at relo. Sunud-sunod pala yun na mga insidente. Yung katabing unit, desktop pc. Yung sa taas, itinali yung dalawang bata. Ewan ko kung ano'ng natangay.

Sabi ng management, hindi raw sila responsable sa losses. Nakalagay raw yon sa building rules. Sinisisi pa kami, bakit hindi raw kami nag-double lock. Sabi ko, ang issue doon ay sinira yung pinto at may nawala sa amin. Saka hindi naman isolated case yon. Ilang beses na. Tanong ko, ano ang assurance o guarantee nila sa mga tenant na hindi sila mananakawan? Never daw sila nagbigay ng assurance bago kami lumipat. Sabi pa, hindi raw kami pinapagbayad ng security, renta lang. Gusto ba raw namin na ma-charge para sa insurance? Sabi ko, after the fact na yun e. Me nangyari na. Ano yung accountability nila?

Nakausap na namin yung security agency, barangay at pulis. Sabi sa police station, dapat daw ni-report agad nung guard yung insidente. Hapon nila nadiskubre, gabi na kaming dumating ni Tay. Hindi naman ako matawagan dahil kapapalit ko lang ng number. Sabi rin nung pulis, dapat daw ay hindi muna pinasok ng guard at nung administrator yung unit namin nang hindi present ang mga tenant.

Sa ngayon, yung resulta na lang ng imbestigasyon ng security agency ang hinhintay, kung me kapabayaan o wala yung gwardya. Yung complaint sa barangay at pulis, for recording purposes na lang yon. At least alam nila na me naganap na pagnanakaw don para naman sa mga susunod na complainant.

Naiinis din ako sa sarili ko kasi kahit alam ko na me history ng pagnanakaw sa building e dun pa rin ako lumipat. Hindi pala sapat ang assurance (ng nakausap kong administrator, hindi ng may-ari) na naghigpit na kuno ang security at pinalayas na yung dating caretaker na suspetsa nilang mastermind.

Ang pangit ng feeling na naisahan ka. Dalawang beses na akong naholdap ng cellphone. Meron ding modus operandi na me kakausap sa'yo tapos kunwari kinapos ng pamasahe. Hihiram daw ng pera tapos hinihingi na lang yung address at contact number para isauli yung hiniram na pera. Nabiktima rin ako nun. Sobrang tamis ng pananalita nila. Ewan ko pero hindi ako makatanggi. Kaya nung mga sumunod, ay dedma. Tuluy tuloy lang ako sa paglalakad kapag me kakausap sa akin. Sa siyudad, kailangan mo talagang maging matigas. Kahit sa paglalakad, alerto ako sa mga makakasalubong at mga nasa likod at tagiliran ko.

Pakunswelo na lang, hindi naman ako ang nang-agrabyado. Sa ngayon, naghahanap na naman kami ng bagong apartment. Yung me bedroom na kasi malapit nang lumabas ang baby. Sanay na naman akong maglipat. Kaso mas marami na kaming gamit ngayon e. Padagdag nang padagdag.

Ang isa ko ring napagtanto, wag masyado yung attachment sa materyal na bagay. Temporary lang lahat yan. Matagal ko nang gustong magka-laptop kaya tuwang-tuwa ako nung binigyan ako ni Utol noong isang taon. Yun na nga ang mas masakit don, yung meaning na ikinakabit ko sa laptop. Bigay ni Utol yun e, unang padala nya. Buti na lang me back up ako nung thesis files ko. Buti na rin lang me pagamit na laptop ang office. Yun nga lang, delikado rin sa byahe kung lagi kong bibitbitin pag-uwi sa bahay at pagpasok sa office kinabukasan.

Sa Pebrero o kahit bago magkatapusan, bago na naman ang address ko.

(Ang behind the scenes dyan ay, atungal ako sa pag-iyak. Syempre, laptop e!)