23 July 2008

Primetime bida

Nagpatulong ang pamangkin ko na Grade 5 na ngayon na gumawa ng dula. Basta ang setting ay ang buhay sa tabing-dagat. E di isip isip kami. Magbabatuhan kami ng ideya tapos sya na ang magsusulat. Edit ko na lang pagkatapos.

Dapat may mayaman at may mahirap. Dapat may conflict. Yung mayamang pamilya ay may-ari ng pabrika ng semento. Nilalason nito ang dagat. Wala nang mahuli ang maliliit na mangingisda. Nagrereklamo ang mga trabahador ng pabrika sa maliit na pasahod. Dapat may love story din para kilig. Anak si babae ng may-ari ng pabrika. Anak si lalake ng mangingisda.

Nagkaroon ng demonstrasyon sa harap ng bahay ni Don Felipe. "Don Felipe, pahirap sa masa!" Isa sa mga nangungunang demonstrador ay ang ating bidang lalake. Pinuntahan sya ni bidang babae. "Mag-iingat ka kay Papa," sabi nito. Nalaman ito ni Don Felipe, "Walanghiya kang babae ka (at iba pang kachuvahan)!"

Pinapatay ni Don Felipe ang tatay na ating bidang lalake. Nagkaroon ng kaguluhan. Sinunog ng taong-bayan ang pabrika. Nagsisi na si Don Felipe at umalis na sa bayan na iyon. Payapa na sa lugar. Samantala, ang ating dalawang bida ay nagsama at namuhay ng maluwat.

Wakas

Maaaring gasgas na ang kwento pero nangyayari pa rin ito. Sa nakaambang pagpasok ng Intex na isang mining company sa Silonay, nanganganib ang aming paraiso aniya nga ni Agui. Nagkakaroon ng tunggalian sa pagitan ng naghaharing uri (ang magkasamang pwersa ng Intex at ang nasyunal na gobyerno na hayagang sumusuporta sa mining activities sa buong kapuluan) at ang komunidad (kasama ang Sinbahan, ilang NGO at lokal na pamahalaan).

Syanga pala, nag-text ang pamangkin ko. Best group daw sila. Mukhang magiging exciting ang homecoming ko.

Itutuloy...

0 comments: