14 August 2008

Log out

Huling araw ko na sa trabaho bukas. Tatapusin ko na ang pag-eempake ko mamayang gabi. Bukas ng gabi ay uuwi na ako sa probinsya.

Hindi naman ako nagsisisi sa aking pagbibitiw sa trabaho kahit wala pang kapalit na bago. Gumaan pa nga ang loob ko. Nananabik pa nga akong umuwi sa probinsya. Handa na ako. Bumili na ako ng aking shampoo at conditioner na dito lang nabibili sa Maynila. Me iuuwi rin akong Thai spice para sa aking stir-fry vegetables. Namaraka na ako ng mga dibidi sa Quiapo. Binili ko na yung bagong nobela ni Lualhati Bautista na Desaparecidos pati tig-isang kopya ng Utne at Spin. Binilhan ko na rin ng art materials ang aking mga pamangkin. Haha, hoarding. Parang nasa kalagitnaan ng giyera.

Ang unang misyon ko ay matapos na ang rebisyon ng tesis. Simula kasi nung magkasakit ako nung Hunyo ay hindi ko na ito nagalaw. Kapag nasimulan ko naman ay hindi ko na titigilan hanggang hindi natatapos.

Syempre, pagkakataon ko na rin ito na makasama nang mas matagal ang aking magulang at mga pamangkin. Pag me trabaho na uli ako ay hindi na ako magkakaroon ng ganito kahabang oras para makapiling sila. Tuturuan ko ng takdang aralin ang aking mga pamangkin. Mag-eeksperimento ako sa pagluluto. Community work. Gagala kami ni Jal sa bayan. Sisilay ahaha!

Nakakainggit naman sina Lowell high-powered bikes yung kanila. Papogian ng bike, pucha! Ang tanging pangarap ko lang naman ay bike na pang-commute na me basket sa unahan at me angkasan sa likod. Fasyon pa rin! Gusto ko dilaw o kaya purple. O, laban ka?

Hindi ko alam kung ilang buwan ang bubunuin ko sa probinsya. Siguro naman bago matapos ang taon e me bago na akong trabaho. Siguro sa linya pa rin ng development work. Malay natin mag-iba ng linya. Maging dairy farmer sa New Zealand, bakit hindi? Kaya lang kailangan ng two-year course on animal husbandry. Syushal!

May halong kaba dahil panibagong pakikipagsapalaran na naman ito. Pero lakasan na lang ng loob. Aba! Tira tira!

Mami-miss ko ang chesseburger sa McDo. Ang masarap na luto sa Blue Diner katabi ng dorm. Apartment nina Yel sa QC. Gimik with the Matronix. Araw araw na internet! Waah!

Babalik naman ako sa 29, anoh?! Hihintayin pa ako ni Ely e.

05 August 2008

cinco de agosto

sasabihin ko sa'yo kung ano ang pakiramdam ng nanganib ang buhay o nabingit sa kamatayan. walang pakiramdam. kahit naghihingalo o nahihirapang huminga, manhid sa sakit. mistulang nag-shut down na ang utak mo. wala ka nang makita sa paligid mo. hindi mo na marinig ang mga pinagsasasabi mo at mga tao sa paligid mo.

tapos, kadiliman. apat na araw akong na-coma. hindi ko na maalala kung ano ang nangyari sa akin nung apat na araw na yon. sabi nila, makakakita ka ng liwanag. o kaya naman me nakaputi na susundo sa'yo. pag sumama ka, ibig sabihin patay ka na. kapag hindi ka sumama, magigising at mabubuhay ka pa. wala talaga akong maalala.

dalawa ang kaarawan ko. ang isa ay sa disyembre kung kailan ko ipinagdiriwang ang aking kapanganakan. ang isa pa ay ngayong araw, yung araw na sinugod ako sa ospital at nabingit sa kamatayan.

magkaiba ang pakiramdam na idinudulot sa akin ng parehong araw. sa tunay na birthday ko, may disappointment ng kaunti. yung pakiramdam na nadagdagan na naman ang edad ko tapos ganito pa rin ako, ganyan. napaka-relative. kasi sinusukat ko ang pagkatao ko sa hungkag na sukatan ng pagkatao- wealth, achievement, having a family. oo, dapat hindi ganyan ang sukatan pero nadadala pa rin ako minsan.

kumpara naman sa pangalawang birthday ko, mas celebratory ang mood. syempre, nagpapasalamat ako na binigyan pa ako ng pangalawang pagkakataon. nagpapasalamat ako na narating ko kung ano'ng estado meron ako ngayon.

sabi nga ni J one year ago, "hapi 4th bday lola! celebrate d day of ur resurrection and marvel at how uv come a long way since then. i think ur in a much better state nw dan u wer b4. keep up d gud work! i love u madz!"

yun na ang suma total. at sa tingin ko ay totoo pa rin naman yan ngayon.

happy 5th!