Malas ang pasok ng bagong taon. Tungkol pa naman sa frugality ang isa sa mga paksa ko sa unang blog post. Nanakawan ang apartment namin noong Miyerkules. Dinestrungka yung pinto. Tinangay ang laptop ko.
Pangalawa ko na yun sa building na yon. Nung una, nung sina Yel pa ang tenant. Madalas ako dun. Isang beses, naiwan akong mag-isa sa buong magdamag. Nanakawan ako ng isang libo at charger. Hindi pa kami sigurado kung nakaw nga kasi wala namang senyales ng forced entry. Pagkaraan ng dalawang linggo, sina Yel naman. Nakuhanan sila ng cellphone, Ipod, digicam at relo. Sunud-sunod pala yun na mga insidente. Yung katabing unit, desktop pc. Yung sa taas, itinali yung dalawang bata. Ewan ko kung ano'ng natangay.
Sabi ng management, hindi raw sila responsable sa losses. Nakalagay raw yon sa building rules. Sinisisi pa kami, bakit hindi raw kami nag-double lock. Sabi ko, ang issue doon ay sinira yung pinto at may nawala sa amin. Saka hindi naman isolated case yon. Ilang beses na. Tanong ko, ano ang assurance o guarantee nila sa mga tenant na hindi sila mananakawan? Never daw sila nagbigay ng assurance bago kami lumipat. Sabi pa, hindi raw kami pinapagbayad ng security, renta lang. Gusto ba raw namin na ma-charge para sa insurance? Sabi ko, after the fact na yun e. Me nangyari na. Ano yung accountability nila?
Nakausap na namin yung security agency, barangay at pulis. Sabi sa police station, dapat daw ni-report agad nung guard yung insidente. Hapon nila nadiskubre, gabi na kaming dumating ni Tay. Hindi naman ako matawagan dahil kapapalit ko lang ng number. Sabi rin nung pulis, dapat daw ay hindi muna pinasok ng guard at nung administrator yung unit namin nang hindi present ang mga tenant.
Sa ngayon, yung resulta na lang ng imbestigasyon ng security agency ang hinhintay, kung me kapabayaan o wala yung gwardya. Yung complaint sa barangay at pulis, for recording purposes na lang yon. At least alam nila na me naganap na pagnanakaw don para naman sa mga susunod na complainant.
Naiinis din ako sa sarili ko kasi kahit alam ko na me history ng pagnanakaw sa building e dun pa rin ako lumipat. Hindi pala sapat ang assurance (ng nakausap kong administrator, hindi ng may-ari) na naghigpit na kuno ang security at pinalayas na yung dating caretaker na suspetsa nilang mastermind.
Ang pangit ng feeling na naisahan ka. Dalawang beses na akong naholdap ng cellphone. Meron ding modus operandi na me kakausap sa'yo tapos kunwari kinapos ng pamasahe. Hihiram daw ng pera tapos hinihingi na lang yung address at contact number para isauli yung hiniram na pera. Nabiktima rin ako nun. Sobrang tamis ng pananalita nila. Ewan ko pero hindi ako makatanggi. Kaya nung mga sumunod, ay dedma. Tuluy tuloy lang ako sa paglalakad kapag me kakausap sa akin. Sa siyudad, kailangan mo talagang maging matigas. Kahit sa paglalakad, alerto ako sa mga makakasalubong at mga nasa likod at tagiliran ko.
Pakunswelo na lang, hindi naman ako ang nang-agrabyado. Sa ngayon, naghahanap na naman kami ng bagong apartment. Yung me bedroom na kasi malapit nang lumabas ang baby. Sanay na naman akong maglipat. Kaso mas marami na kaming gamit ngayon e. Padagdag nang padagdag.
Ang isa ko ring napagtanto, wag masyado yung attachment sa materyal na bagay. Temporary lang lahat yan. Matagal ko nang gustong magka-laptop kaya tuwang-tuwa ako nung binigyan ako ni Utol noong isang taon. Yun na nga ang mas masakit don, yung meaning na ikinakabit ko sa laptop. Bigay ni Utol yun e, unang padala nya. Buti na lang me back up ako nung thesis files ko. Buti na rin lang me pagamit na laptop ang office. Yun nga lang, delikado rin sa byahe kung lagi kong bibitbitin pag-uwi sa bahay at pagpasok sa office kinabukasan.
Sa Pebrero o kahit bago magkatapusan, bago na naman ang address ko.
(Ang behind the scenes dyan ay, atungal ako sa pag-iyak. Syempre, laptop e!)
15 January 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)



0 comments:
Post a Comment